
CAUAYAN CITY – Nagpatupad ng paghihigpit ang pamahalaang lunsod sa ilang lugar dahil sa mga naitalang kaso ng Covid 19 at sa nalalapit na semana santa.
Sa bisa ng Executive order no. 13 na ipinalabas ng pamahalaang lunsod ay pansamantalang ipagbabawal ang operasyon ng mga resorts, swimming pools, picnics o social gatherings sa mga tabi ng ilog at operasyon ng sabong sa semana santa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ricky Laggui, ang City General Services Officer, sinabi niya na paraan ito ng pamahalaang lokal na pigilan ang paglabas ng mga mamamayan at pagtungo sa mga mataong lugar at maiwasan ang virus na Covid 19.
Aniya kapansin pansin na dumarami ang naitatalang kaso dahil sa pagkakaroon ng mga variants ng virus na mas nakakahawa.
Inaasahan na ang pagtitipun tipon ng mga mamamayan sa nalalapit na semana santa kaya kailangang maghigpit ng pamahalaang lunsod.
Muling pinaalalahanan ni Ginoong Laggui ang mga mamamayan na iwasan munang magtipun tipon dahil hindi na ordinaryo ang sitwasyon dahil sa nararanasang pandemya.










