
CAUAYAN CITY – Nagbabala si Governor Rodito Albano na kakasuhan ang mga opisyal ng barangay na hindi susunod sa mga panuntunan sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ang Isabela ay nasa ilalim ngGCQ mula March 29 hanggang Aprill 15, 2021 para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Governor Albano na kakasuhan ang mga opisyal ng barangay kapag nahuli ng mga pulis na lumalabag sa mga ipinapairal na panuntunan ngayong nakasailalim ang Isabela sa GCQ.
Ayon sa punong lalawigan, dapat ang mga opisyal ng barangay ang manguna sa pagsunod ng mga panuntunan
Umaasa si Gov. Albano na walang opisyal ng barangay na mahuhuling lalabag sa mga guidelines sa GCQ.
Samantala, sinabi pa ni Governor Albano na inihahanda na nila ang ayuda para sa mga empliyado na talagang apektado sa pagpapatupad ng GCQ sa lalawigan.
Puspusan na rin ang paghahanap ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng mga gagamiting isolation facilities dahil sa pagkakapuno na ng mga ospital.
Inihayag ni Governor Albano na naghahanap na sila ng mga paaralan na gagamiting isolation facilities para matugunan ang problema ngayon sa mga pagamutan lalo na ang mga district hospitals sa Isabela dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Bukod dito ay nag-order din ulit ang pamahalaang panlalawigan ng nasa 40 na steel houses na gagamiting isolation facility sa mga district hospital.










