CAUAYAN CITY – Inaresto ang number 1 most wanted person sa Quezon, Solano, Nueva Vizcaya.
Ang akusado ay si Alfredo Tuliao, 54 anyos, may asawa at tubong Iguig, Cagayan,
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt Beverly Borromeo ng Solano Police Station, isinagawa ng tracker team sa pangunguna ni PCpt Jet Sayno, Officer-In-Charge (OIC) ng Solano Police Station ang operasyon na nagbunga ng pagkadakip ng akusado.
Sa bisa ng madamiyento de aresto na ipinalabas ni Hukom Cicero Jandoc ng Regional Trial Court – Branch 29, Bayombong, Nueva Vizcaya ay naaresto ang akusado sa Kasong Rape through Sexual Assault na may inirekomendang piyansang 200,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ayon kay PSSgt Borromeo, personal na nagtungo sa Solano Police Station ang biktima kasama ang kanyang ina upang isumbong ang ginawang pagsasamantala sa kanya ng suspek.
Batay sa kuwento ng bata, kaibigan niya ang anak ng suspek at isang gabi ay pinahintulutan siyang matulog sa bahay ng akusado.
Madaling araw nang maramdaman ng biktima ang pangmomolestiya sa kanya ng suspek at hindi nagawang makapalag.
Nasa kustodiya na ng Solano Police Station ang akusado na mariing itinanggi ang paratang sa kanya .





