CAUAYAN CITY– Patuloy pa ring nararanasan ang pagtaas ng COVID 19 sa lalawigan na may kabuoang bilang na 8,200, 1,370 ang active cases, 6,671 ang recoveries habang 159 na ang nasawi.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Nelson Paguirigan ang Provincial Health Officer ng lalawigan ng Isabela sinabi niya na ngayong araw ang bayan ng roxas ang nakapagtala ng pinakamataas na aktibong kaso ng COVID na pumalo na sa 220 na sinundan ng Lunsod ng Santiago na may 161 na aktibong kaso.
Dahil sa mga panibagong kaso ay nagkakapunuan na ang mga pagamutan at bilang tugon sa bisa ng Executive order number 14 ni Gov. Rodito Albano ay nagdagdag na ng dedicated beds ang mga pagamutan na pinangangasiwaan ng pamahalaang panlalawigan na limampung bahagdang mas mataas sa Authorized bed capacity habang nasa 30% naman ang naidagdag sa mga pribadong pagamutan.
Nakapaloob din sa E.O Number 14 na hindi pinapayagang sumailalim sa home quarantine ang mga positive patients maliban lamang kung isang buong pamilya ang magpopositibo.
Nakasaad din na ang mga asymptomatic na dapat manatili sa LGU isolation facility sa loob ng sampung araw, ang mga mild to moderate ay dadalhin sa level 1 hospitals o provincially maintained hospitals, ilalaan naman ang mga level 2 and 3 hospitals para sa mga severe to critical cases.
Sa ngayon bagamat punuan na ang mga tertiary hospital tulad ng CVMC at SIMC ay inaadmit pa rin nila ang mga naitatalang severe cases at sinisikap na matugunan ang kanilang panganagilangan.
Inihayag naman ni dr. Imelda Guillermo na bago pa man pumasok ang Semana Santa ay nagsimula nang magpunuan ang mga provincially maintained hospital.
Inihalimbawa niya ang kaso ng Echague District Hospital at Cauayan District Hospital kung saan nagdagdag na rin sila ng kanilang bed capacity upang mapunan lamang ang kasalukuyang kakulangan sa espasyo.
Idinagdag pa ni Dr. Guillermo na dahil sa dami ng mga naitatalang kaso at mortality na karamihan ay health worker ay may ilang ulat na siyang natatanggap kaugnay sa panghihina na ng loob ng ilang frontliner.
Dahil dito ay nakatakda silang magsagawa ng stress debriefing sa lahat ng frontline health workers upang mabigyan ng pansin ang kanilang kalagayan.
Nauna na rin silang humiling ng augmentation sa regional office para sa karagdagang pwersa ng mga health workers.
Sa kasalukuyan tinatayang nasa 140 health workers ang apktado na ng COVID-19.










