--Ads--

CAUAYAN CITY – Humihingi ng tulong ang Department of Health (DOH) region 2 sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para sa karagdagang healthcare workers at isolation facilities sa rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Rio Magpantay ng DOH region 2, sinabi niya na punuan na ang mga ospital kaya inirekomenda nilang sa community isolation unit muna manatili ang mga nagpositibo sa COVID-19 na mild lamang ang sintomas.

Pinag-aaralan na ng DOH region 2 kung paano ang gagawin sa referral system upang maiwasan nang pumunta sa referral hospital ang mga mild cases lamang.

Ayon kay Dr. Magpantay, kailangang magpulong ang DOH, pamahalaan at mga chief of hospitals sa rehiyon upang maipabatid ang paraan sa referral system at maiwasan ang kalituhan sa pag-refer ng pasyente sa mga ospital.

--Ads--

Marami sa mga pasyente na naka-admit sa mga ospital ang mild cases at kapag nagpapagaling na ang pasyente ay maaari na siyang ilipat sa community isolation unit.

Umaasa ang DOH Region 2 na magbubukas ang Department of Education (DepEd) ng mga eskuwelahan na maaaring gamitin bilang temporary treatment at monitoring facility habang patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Dr. Magpantay, magpupulong ang DOH region 2 at Regional Inter-Agency Task Force tungkol sa kakulangan sa isolation facilities sa rehiyon.

Maliban sa mga healthcare workers ay nagbigay ng karagdagang 218 na health personnel ang Philippine National Police (PNP) at pinag-aaralan na ng DOH region 2 kung paano italaga ang mga ito sa mga lugar na may maraming kaso.

Umaasa ang kagawaran na may mga maidadagdag ding health workers ang iba pang ahensiya ng pamahalaan upang makatulong sa pagbaka kontra COVID-19.

Ang pahayag ni Dr. Rio Magpantay