CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng Population Commission (PopCom) region 2 ang pagtaas ng kaso ng teenage pregnancy sa rehiyon sa loob ng dalawang taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Director Herita Macarrubo ng PopCom region 2 na mula sa datos na ipinapasakamay sa kanilang tanggapan ng mga City at Municipal Population Officers ng limang lalawigan sa Region 2, nangunguna sa talaan ng may pinakamaraming teenage pregnancy ang Isabela na may 2.48% , sinundan ng Nueva Vizcaya na may 2.47%, sumunod ang mga lalawigan ng Quirino, Cagayan at Batanes na may .5%.
Mula sa nasabing talaan ay nanguna sa may pinakamaraming kaso ng teenage pregnancy ang Ilagan na may 2.19% na sinundan ng Santiago City na may 2.03%, Tuguegarao City na may 1.41% at Cauayan City na 1% para sa taong 2019.
Batay sa pag-aaral ng PopCom maaring ang sanhi ng teenage pregnancy ay hindi intact ang pamilya ng isang kabataan o karaniwang mga anak ng OFW na kulang ang paggabay at maagang pagkakaroon ng sexual initiation ng mga kabataan.
May kontribusyon din dito ang maagang pagkakaroon ng buwanang dalaw ng mga dalagita na nagbubunga ng maagang pagkakaroon ng sexual awakening.
Hinimok ng regional director ang mga magulang na huwag pahintulutan ang maagang pagsasama ng mga kabataang maagang nagbubuntis kundi bigyan sila ng social protection sa pamamagitan ng pagsuporta na tapusin ang kanilang pag-aaral.
Ipinayo ni Regional Director Macarrubo na magkaroon ng focus ang mga kabataan sa pagkakaroon ng magandang buhay at ibaling sa ibang gawain ang atensiyon tulad ng pagsali sa mga youth organization.
Pinayuhan din nila ang mga magulang na maging malapit sa kanilang mga anak at maging bukas sa komunikasyon.
Binabantayan na rin ngayon ng PopCom ang maaring pagtaas din ng teenage pregnancy na nakakaranas ng pandemya.





