CAUAYAN CITY – Hinarang ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Santiago City ang transaksIyon ng 11 na kababaihan dahil sa paggamit ng hinihinalang pekeng RT-PCR test result.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Santiago City Police Office (SCPO) Station 1, dinala sa kanilang himpilan ng mga kawani ng City Health Office (CHO) at SCPO Traffic Group Unit ang mga kababaihan dahil sa reklamo ng DFA kaugnay ng umano’y illegal na dokumentong ipinakita nila sa pagkuha ng pasaporte.
Nasa labing-apat na babae ang sangkot kabilang ang tsuper na napag-alaman na nagtungo sila sa Isabela para maiproseso ang kanilang pasaporte patungong Saudi Arabia bilang Overseas Filipino Worker (OFW).
Batay sa nakuhang RT-PCR test result ng mga awtoridad, hinihinalang peke dahil sa pagkakapareho ng QR Code, specimen collected, date result at kahinala-hinala rin ang electronic signature.
Sinasabing ang mga resulta ay nagmula sa Ermita Molecular Diagnostic Laboratory sa Ermita, Manila.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa nasabing Laboratoryo.
Halos kalahati ng mga kababaihan ay nagmula sa lalawigan ng Leyte habang ang iba ay mula sa iba pang panig ng Metro Manila at Isabela .
Sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na makuha ang panig ng mga pinaghihinalaan subalit tumanggi sila na magbigay ng pahayag.
Patuloy na inaalam kung peke ang mga nakuhang dokumento sa pamamagitan ng pagtugon at kumpirmasyon ng pagamutan.
Inaalam na rin ang recruiter ng mga kababaihan.
Dahil sa ilang konsiderasyon ay pinag-aaralan pa ang pagpapabalik na lamang sa kanila sa kanilang pinanggalingang lugar.





