CAUAYAN CITY– Labis ang pasasalamat sa Poong Maykapal ni Bishop David William Antonio ng Diocese of Ilagan dahil ligtas at hindi nagtamo ng sugat matapos na bumaliktad ang minamanehong sasakyan nang pumutok ang isang gulong habang binabagtas ang daan sa San Miguel, Luna, Isabela.
Pauwi na si Bishop Antonio sa Gamu, Isabela nang mangyari ang aksidente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Bishop Antonio na matapos pumutok ang gulong sa harapan ng sasakyan ay nasagi nito ang kasalubong na trailer truck.
Natanggal ang isang gulong ng sasakyan kaya nawalan siya ng kontrol , nahulog sa daan at bumaliktad.
Nagpapasalamat siya na walang natamong sugat o bali sa katawan matapos siyang sumailalim sa x-ray.
Nagpasalamat din siya sa mga nag-alala at nagdasal para sa kanyang kaligtasan.
Samantala, naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpl Ardie Mateo, investigator ng Luna Police Station, sinabi niya na pumutok ang kaliwang gulong ng sasakyan kaya napunta sa kabilang linya ng daan at bumangga sa harapang bahagi ng trailer truck.
Ang tsuper ng trailer truck na naglalaman ng mga saku-sakong bigas ay si Ryan Tamayo, 28 anyos, may-asawa at residente ng Peñablanca, Cagayan.
Nagtamo ng sira ang dalawang sasakyan at mapalad na hindi nasugatan si Bishop Antonio at tsuper ng truck na si Tamayo.
Nagkasundo ang magkabilang panig na kanya-kanyang ipaayos ang kanilang minanehong sasakyan.












