--Ads--

CAUAYAN CITY Bumaba ang mga naitatalang kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa lalawigan ng Quirino matapos ang 15 araw na pagsailalim sa Modified Enchanced Community Quarantine (MECQ).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Elmor Villaruel, Economic Enterprise Office head, sinabi niya na maganda ang pagbabago na kanilang nakikita at bahagyang nagkaroon ng pagbaba sa trend ng kaso ng COVID-19 kahapon na pumalo lamang sa 16 kumpara sa mga nagdaang araw.

Nilinaw niya na maaaring ang pagbaba ng kaso ay dahil sa pagkaantala ng pagpapalabas ng resulta at pagproseso ng mga RT-PCR test specimen sa Southern Isabel Medical Center  (SIMC).

Aniya, dahil sa mataas na kaso sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon ay dumami ang mga ipinapadalang specimen sa mga molecular laboratory kaya may malaking backlog.

--Ads--

Ang nararanasang delay  sa paglabas ng mga resulta ang nakikitang dahilan ng kung bakit patuloy ang hawaan dahil hindi agad naaabisuhan ang mga nagpositibong pasyente.

Hindi rin isinasantabi  ang posibilidad ng pagkakaroon na ng COVID-19 variants sa lalawigan ng Quirino.

Ayon kay Ginoong Villaruel, batay sa pag-aaral ng Octa Research Group, ang mga bagong COVID-19 variants ang dahilan ng mas mabilis na  pagkalat ng virus.

Dahil dito ay naghihigpit pa sila sa pagpasok ng mga non-APOR na kailangang magpakita ng negatibong RT-PCR test result bago makapasok sa lalawigan.

Positibo naman ang pagtugon ng mga residente sa lalawigan ng Quirino sa mga ipinapatupad na guidelines sa ilalim ng MECQ dahil sumusunod ang pangkalahatan.

Ang pahayag ni Ginoong Elmor Villaruel.