CAUAYAN CITY – Ikinalungkot ni Mayor Francis Faustino ‘Kiko’ Dy ng Echague, Isabela ang tumataas na kaso at namamatay sanhi ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa kanilang bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Dy na mula nang niluwagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga panuntunan ay nagsimula na ring dumami ang kanilang kaso.
Dahil dito, mahigpit ang pagsasagawa nila ng contact tracing ngayon at hinigpitan pa ang pagpapatupad sa mga panuntunan para labanan ang COVID-19.
Tanging essentials ang pinapayagan nilang makalabas sa kanilang bahay, ipinagbabawal ang social gathering, dine-in services sa mga bahay-kainan at pagpapatuapd ng curfew hours.
Magtatagal aniya ito hanggang sa katapusan ng Abril 2021.
Ayon kay Mayor Dy, sa ngayon ay 143 ang aktibong kaso sa bayan ng Echague, 183 ang gumaling, 343 ang naitalang kaso mula nang luwagan ang mga panuntunan at labimpito na ang nasawi.
Ayon sa punong bayan, ang mga namamatay ay hindi nabigyan ng pagkakataon na maitakbo sa ospital dahil puno na ang mga ito.
Nanawagan siya sa kanyang mga kababayan na kung may naramdaman nang sintomas ng COVID-19 ay huwag ng hintayin na lumala pa kundi lumapit agad sa mga opisyal ng kanilang bayan o di kaya sa mga health workers para matulungan na magamot ang kanilang nararamdaman.
Tiniyak niya na sa kabila ng tumataas na kaso sa kanilang bayan ay kaya pa nilang mag-accommodate ng mga kailangang isailalim sa quarantine.
Ito ay sa tulong ng Department of Education (DepEd) dahil nagagamit nila ang mga paaralan bilang quarantine facilities gayundin ang mga quarantine facility sa bawat barangay habang ang iba ay naka-home quarantine.
Samantala, hindi pabor si Mayor Dy na isailalim sa lockdown ang bayan ng Echague dahil mawawalan ito ng saysay kung hindi magpapatupad ng lockdown ang mga karatig nilang bayan.





