CAUAYAN CITY – Maaaring mabilis ang takbo ng Ford Everest na sinakyan ng 13 na nasawi sa Bulo, Tabuk City, Kalinga matapos na mahulog sa irrigation canal kahapon at malunod ang mga biktima.
Ang SUV ay minaneho ni Soy Lope Agtulao na kabilang sa mga nasawi habang nakaligtas ang dalawa mula sa 15 lulan nito.
Kinilala ang iba pang nasawi na sina Sidewyn Agtulao, Sywin Agtulao, Sonnie Lope, Jessiebel Paycao na pawang residente ng Tadian, Mt. Province; Scarlet Paycao, Judilyn Dumayon, Alfredo Cotit Lope, Remedios Basilio, Sedarn Dumayon, Jeslyn Dumayon, Marlo Pereña at Cydric Paycao na pawang residente ng Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office na sa labintatlong nasawi ay anim ang adult at pito naman ang bata.
Sa dalawang survivor naman ay isa ang adult at isa rin ang bata.
Ayon sa kanya, ang pinangyarihan ng aksidente ay sharp curve at dikit ang daan sa irrigation canal.
Aniya, two way naman ang daan pero hindi pa masasabi kung mabilis ang takbo ng SUV ngunit sa tantiya nila ay may kabilisan ang takbo nito at nakadagdag pa ang pagiging overloaded ng sasakyan kaya hindi na natantiya ng tsuper ang pagmamaneho.
May isa silang kasama na nakamotorsiklo ngunit medyo malayo ang distansya at siya rin ang pinaniniwalaang unang nakakita at humingi ng tulong.
Bagamat, mangilan-ngilan lamang ang bahay sa lugar ay may mga agad namang tumugon pero maaaring unconscious na ang mga tao sa loob ng sasakyan kaya hindi sila agad na nakalabas.
Sa ngayon ay nakausap na nila ang mga nakaligtas pero dahil traumatized pa ang mga ito ay wala pa silang nakuhang malinaw na kasagutan sa kanilang mga naging katanungan.
Inaasikaso na rin aniya ngayon ng LGU kung paano matulungan ang mga biktima.
Sa kabila naman ng pangyayari ay hindi ipagbabawal ang pagtungo sa lugar pero mungkahi niya na dapat sana ay dagdagan ang mga barriers sa daan.











