CAUAYAN CITY-Hindi sang-ayon ang presidente ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) na kailangan pang kumuha ng permit ang mga organizers ng community pantries.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Governor Dakila Carlo Cua ng lalawigan ng Quirino at presidente ng ULAP na kung pahihirapan ang proseso ay marami ang mapagbabawalan na tumulong.
Aniya, ngayong may pandemya ay marami ang nangangailangan kaya huwag ng pahirapan ang proseso at magtiwala na lamang sa mga mamamayan dahil makikita naman ng mga tao kung may ibang balak ang mga organizers ng pantry.
Mungkahi rin niya na pag-usapan na lamang ito sa mga barangay para hindi na kailangan pang pumunta sa munisipyo ng mga gustong tumulong.
Ayon sa kanya, hindi siya tutol sa mga nagsusulputang community pantries dahil nagpapakita ito ng bayanihan ng mga Pilipino.
Ang pakiusap lamang niya ay sumunod sa mga health protocols para hindi ito magdulot ng hawaan ng virus.











