
CAUAYAN CITY – Nagsasagawa na ngayon ng repopulation ang Department of Agriculture (DA) region 2 sa mga lugar na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 na mula sa nakuha nilang pondo sa national na 75 million pesos ay nagsimula na sila sa procurement para maibigay na ang mga biik sa mga lugar na naapektuhan ng ASF.
Gayunman ay kulang pa rin ang pondo kaya nakiusap siya sa mga lokal na pamahalaan na isama sa kanilang Internal Revenue Allotment (IRA) ngayong taon at sa susunod na taon ang repopulation ng baboy sa kanilang nasasakupan.
Ayon sa kanya, manggagaling sa Ilocos region ang suplay ng biik kaya may kamahalan ang presyo.
Dito naman sa Isabela ay partner nila sa Lunsod ng Ilagan si Mayor Jose Marie Diaz dahil may pribadong kumpanya na nagtayo ng malaking piggery na para sa mga inahin.
Mayroon na silang usapan na dito na lamang manggaling ang mga biik at umaasa sila na maging prayoridad ang mga LGUs.
Kaugnay nito ay nagkaroon na sila ng pagpupulong ng mga provincial vetirenary officer sa rehiyon para alamin ang mga lugar na hindi na nakapagtala ng kaso ng ASF sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan para madisinfect at makapagsagawa na ng testing.










