CAUAYAN CITY – Hindi pabor ang commanding officer ng 502nd Infantry Brigade, Philippine Army sa planong pagtanggal sa pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni BGen. Danilo Benavides, commanding officer ng 502nd Infantry Brigade, Philippine Army na kailangang pag-aralang mabuti ang sinasabi ng ilang mambabatas na tanggalin na ang pondo ng NTF-ELCAC dahil kapag tinanggal ang pondo nito ay parang tinanggalan na rin ng pondo ang mga infrastructure at development projects sa mga komunidad na dati nang naapektuhan ng insuhensiya.
Aniya, ang mga tao sa lugar na ito ang nakaranas ng pag-impluwensya ng New Peoples Army (NPA) dahil sa usapin ng kahirapan at kawalan ng suporta kaya sila ang dapat na mapagtuunan ng pansin.
Dumadaan naman aniya sa ibang ahensiya ng pamahalaan ang pondo gaya na lamang ng farm to market roads at hindi sa NTF-ELCAC.
Aniya, malaki ang naitutulong ng NTF-ELCAC para mawakasan na ang mga usapin na ginagamit ng CPP-NPA para makapanlinlang ng mga mamamayan.











