CAUAYAN CITY – Naging maganda ang resulta ng naging apela ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC na tanging mga moderate at severe cases na lamang ang dalhin sa mga referral hospital upang hindi mapuno ang kanilang pasilidad.
Matatandaang humiling ang CVMC sa mga private at district hospital sa rehiyon na huwag nang dalhin sa kanilang ospital ang mga asymptomatic at mild cases kundi sa mga isolation facility na lamang sila dalhin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na bumababa na ang naitatalang kaso sa rehiyon.
Aniya bibihira na ang nadadalang pasyente na mild ang kondisyon sa CVMC.
Sa kasalukuyan ay marami pa ring pasyente ang ICU ng CVMC kung saan may labing limang pasyente na nakaintubate.
Matatandaang sa mga nakaraang araw ay idineklara ng DOH ang mga ICUs ng mga ospital sa Rehiyon Dos bilang critical risk dahil sa dami ng nakaadmit na pasyente ng Covid 19.
Bilang upgrade ay muling nagdagdag ang pamunuan ng labing isa pang ventilators kaya sa kasalukuyan ay nasa dalawamput lima na ang ventilators ng CVMC para sa mga critical cases.
Umaasa naman ang CVMC na hindi na madagdagan pa ang mga severe at critical cases na dinadala sa pagamutan.