--Ads--

CAUAYAN CITY – May mga nahuling lumabag sa mga panuntunang nakasaad sa Executive Order 40-2021 kaugnay ng pagpapatupad ng 7 days na General Community Quarantine (GCQ) bubble sa Cauayan City simula ngayong  April 26, 2021 hanggang Mayo 2, 2021.

Kabilang sa mga paglabag ang social distancing ng mga tao sa loob ng sasakyan pangunahin sa mga truck at paglabag sa number coding scheme.

Inilatag ng LGU Cauayan City ang mga checkpoint sa Tagaran, San Fermin, Alinam, Alicaocao at District 3, Cauayan City

Una rito ay hiniling ng  Cauayan City Police Station ang  pakikiisa ng publiko sa pagsasailalim sa Cauayan City sa GCQ bubble.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan ky PLt. Scarlette Topinio, spokesperson ng Cauayan City Police Staion,  sinabi niya na mahigpit nilang  ipatutupad  ang mga  panuntunan sa ilalim ng Executive Order 40-2021 na ipinalabas ni Mayor Bernard Dy na naglalayong mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Pangunahin sa mga tinututukan ng hanay ng pulisya ang pagpapatupad ng minimum public health standard o ang pasusuot ng facemask, face shield at pagtalima sa social distancing.

Ayon kay PLt. Topinio,  may mga naitalang apprehension team at patrolers na mag-iikot sa iba’t ibang lugar sa Cauayan City maliban pa sa mga  contact persons sa bawat barangay .

Ang pahayag ni PLt Scarlette Topinio

Samantala, mahigpit nang ipinapatupad ng Public Order and Safety Divison (POSD) ang mga panuntunan sa ilalim ng  GCQ Bubble sa lunsod.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na sinimulan nila ang dry run sa pagsasagawa ng information dissemination o barker system sa 65 na barangay sa Cauayan City.

Sa ilalim ng Executive Order number 40-2021 ay lilimitahan ang paggalaw ng mga sasakyan at mga residente ng Lunsod.

Layunin ng mga itinatag na checkpoints na malaman ang pakay ng mga motoristang pumapasok sa Cauayan City.

Nilinaw niya na bagamat pinapagayan ang pagpasok ng mga motorista mula sa ibang bayan na kailangan ng essential sevices sa Cauayan City ay binibigyan lamang sila ng limitadong oras.

Papapasukin  sa lunsod ang mga magmumula sa ibang lugar subalit para lamang sa emergency cases at dapat ding may maipakitang medical documents bilang patunay.

Pababalikin sa kanilang pinanggalingan ang mga motoristang magtutungo sa lunsod na walang mahalagang pakay.

Dahil sa mas pinahigpit na panuntunan sa ilalim ng GCQ bubble ay nagkakaroon ng mahabang pila ng mga sasakyan at mabigat na daloy ng trapiko sa mga boundary checkpoints.

May hiwalay namang lane ng mga passing through na sasakyan ngunit kailangan pa rin nilang dumaan sa protocol.

Dahil ipapatupad ang point to point ay ipinagbabawal ang paghinto ng mga passing through na sa sasakyan sa anumang lugar na nasasakupan ng Lunsod.

Pagpasok ng passing through na sasakyan ay agad itong itatawag sa mga kalapit na checkpoint para sa monitoring.

Hinikayat ni POSD Chief Mallillin ang mga opisyal ng bawat barangay na  huwag ng magpalabas sa kanilang mga kabarangay simula mamayang hatinggabi at makipagtulungan sa Pamahalaang Lunsod at sa kanilang hanay upang masugpo ang COVID-19.

Samantala nakasaad rin sa E.O number 40-2021 ang pagsasagawa ng mandatory triaging sa mga papasok upang matiyak na sila ay  hindi carrier ng virus.

Ipapatupad din ang number coding scheme sa mga single motorcycle, tricycle at pribadong sasakyan upang malimitahan ang paglabas ng mga tao habang exempted naman ang mga frontliners na kailangang pumasok sa kanilang mga trabaho.

Ipinapatupad ang liquor ban, curfew hours  mula 9:00PM hanggang 4:00AM maging ang 24 oras na pagbabawal sa paglabas ng bahay ng mga edad 18 pababa at 65 pataas, mass gathering, at restriksyon sa lamay ng mga namatay at sa kanilang libing.

Ipagbabawal din ang dine-in sa mga bahay kainan at takeout at delivery services lamang ang pinahihintulutan.

Habang ipinapatupad ang GCQ Bubble ay pinayagang magbukas ang mga bahay kalakal tuwing 9:00AM hanggang 2:00PM habang bawal na magbukas ang mga hindi essentials na negosyo at magkakaroon ng skeletpn workforce sa mga workers.

Ang pahayag ni POSD Chief Pilarito Mallillin