CAUAYAN CITY – Pinag-aaralan na ng Commission on Elections (COMELEC) na ibalik sa susunod na linggo ang pagsasagawa ng satellite registration.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Jerby Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC region 2 na dahil sa COVID-19 ay marami sa kanilang mga tanggapan ang nagsasara.
Aniya, kapag nagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) o Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang isang lugar ay wala rin silang pasok hanggang ito ay matapos.
Sa mga lugar na hindi apektado ng mahigpit na restriction ay apektado pa rin dahil nababawasan ang araw ng kanilang pasok bunsod ng pagsasagawa ng disinfection tuwing araw ng Biyernes.
Dahil dito ay bumaba na ang bilang ng mga nagpaparehistro dahil sa takot ng mga tao na lumabas.
Sa ngayon ang nakikita na lamang nilang paraan para tumaas ang bilang ng mga botante ay ang pagsasagawa ng satellite registration lalo na dito sa rehiyon dos na talagang bumaba ang bilang ng mga nagpaparehistro.
Kung pagbabatayan ang datos sa buong bansa, sa apat na milyong puntirya ng pamahalaan ay 3.1 million na ang nakapagparehistro sa buong bansa mula noong April 17, 2021.





