
CAUAYAN CITY – Nasa 39.8% na ang natapos ng PSA Isabela sa kanilang target na bilang ng individual na maka-rehistro sa step 1 para sa National ID System.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Focal Person at Statistical Specialist 2 Cristilu Amparo Geronimo ng PSA Isabela, sinabi niya na sa kasalukuyan nasa 399,395 na individual na ang nakapre-register para sa step 1 ng PhilSys National ID Registration mula oktubre 2020 hanggang disyembre 2020.
Nasa labing-apat na bayan lamang kasama na ang lunsod ng Ilagan at Santiago ang kasalukuyan ang operasyon sa pagpaparehistro para sa National ID.
Sila ngayon ang target ng PSA Isabela na isailalim sa step 2 ng registration.
Magsisimula sana ang lunsod ng Cauayan noong ikadalawamput siyam ng Marso ngunit dahil sa pandemya ay hindi muna pinahintulutan ng pamahalaang lunsod na magbukas ang registration center.
Ayon kay Focal Person Geronim, magkakaiba ang timeline ng mga bayan sa pagtatapos ng kanilang registration dahil may mga nasuspinde ang operasyon at ang iba ay hindi pa nakakapagsimula bilang pa- iingat sa covid 19.
Matatandaang nagkaroon ng pagbabahay-bahay ang mga registration officers ng PSA Isabela upang magsagawa ng data gathering sa mga mamamayan at kinuha rin ang kanilang contact numbers upang tawagan na lamang kung sila ay naka-schedule na para sa registration.
Bilang pag-iingat na rin sa virus at mapabilis ang pagpaparehistro ay inaasahang magkakaroon na ng online registration para sa National ID.
Maliban dito ay magkakaroon din ng fixed registration center ang PSA Isabela sa lunsod ng Ilagan at tatanggalin na ang mga registration centers sa bawat bayan at lunsod.
Muling hinikayat ng PSA Isabela ang mga mamamayan na mayroon nang schedule na magtungo na sa mga registration centers upang makapag-rehistro.










