CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang construction worker matapos siyang saksakin ng kanyang katrabaho sa construction site ng isang ospital sa Cabaruan, Cauayan City habang sila ay nag-iinuman kagabi.
Ang nasawi ay si Juanito Laput, nasa wastong edad, may asawa, construction worker at residente ng Marikina City habang ang suspek ay si Victor Luendas, 47 anyos, may asawa at residente ng Pinagbuhatan, Pasig City.
Lumabas sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station na kapwa nagtatrabaho sa construction site ang dalawa.
Nagkaroon sila ng inuman kasama ang iba pa nilang katrabaho na unang umalis at naiwan sina Laput at Luendas.
Agad lumabas ang mga kasamahan ng dalawa nang makarinig sila ng sigaw at tumambad sa kanila ang nakahandusay na katawan ng biktima habang tumakbo ang suspek patungo sa kanyang tulugan.
Nagtamo si Laput ng isang saksak sa kanyang likod na isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Tumawag ng tulong ang mga kasamahan sa trabaho ng suspek at biktima sa Cauayan City Police Station at nadakip si Luendas.
Hindi pa malinaw ang tunay na dahilan ng pananaksak ni Luendas kay Laput.











