--Ads--

CAUAYAN CITY – Naging maganda ang resulta ng isinagawang online job fair ng Department of Labor and Employment o DOLE Region 2 kasabay ng paggunita sa Araw ng Paggawa.

Mahigit isandaang job openings sa nasabing Labor Day Job Fair na mula sa ilang establisyemento na naghahanap ng aplikante at maari pa itong madagdagan dahil magpapatuloy ito hanggang ikatatlo ng Mayo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Chester Trinidad, tagapagsalita ng DOLE Region 2, sinabi niya na dinagsa ng mga mamamayang naghahanap ng trabaho ang job fair at marami sa mga ito ang natanggap na.

Sa kasalukuyan ay tina-tabulate pa ang datos at bilang ng mga natanggap na aplikante.

--Ads--

Muling hinikayat ni Ginoong Trinidad ang mga mamamayan na bisitahin ang website ng DOLE upang sumali sa nasabing job fair.

Kasabay ng job fair ay nagsagawa rin ang DOLE Region 2 ng payout at livelihood awarding sa mga benepisaryo sa lunsod ng Tuguegarao, maging ang awarding at payout sa mga benepisaryo ng COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD sa lunsod ng Ilagan.

Ayon kay Ginoong Trinidad, mayroong isang libo siyam na raan na benepisaryo ng CAMP sa lunsod ng Ilagan at dalawang libo siyam na raan naman sa TUPAD.

Isa rin sa mga pangunahing kaganapan ang ceremonial vaccination para sa mga piling indibidwal na kabilang sa A4 Priority Groups, isinagawa ng DOH at DOLE bilang paggunita ng labor day.

Ginanap ito sa buong bansa kung saan naglaan ang IATF ng limang libong doses ng COVID-19 vaccines para sa mga Minimum Wage Earners at Overseas Foreign Workers na pawang kabilang sa A4 Priority Group ayon sa hiling ng DOLE.

Sa Rehiyon Dos, mayroong sampung indibidwal sa Tuguegarao City, Cagayan Valley na kabilang sa Priority A4 na nabakunahan ng Coronavac bilang pag gunita sa Araw ng mga Manggagawa at ginanap ito sa Cagayan Valley Center for Health Development o CV-CHD Vaccination Area.  

Dagdag dito ang sampu pang indibidwal na nabakunahan din sa lunsod ng Ilagan, Isabela.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Chester Trinidad.