CAUAYAN CITY – Magbibigay ng tulong pananalapi ang pamahalaang panlalawigan at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ng nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Social Welfare Development Officer (PSWDO) Jun Pagbilao na mapagkakalooban ng 3,000 pesos ang pamilya na may miyembro ang nagpositibo sa virus habang 5,000 kapag dalawa o mas higit pa ang nagpositibo sa isang pamilya.
Magkakaloob ng 10,000 pesos na burial assistance ang DSWD sa pamilya ng nasawi dahil sa COVID-19.
Samantala sa unang linggo Hunyo ay magkakaroon ng second wave na pamamahagi ng ayuda sa mga residente ng Quirino
Sinabi ni PSWDO Pagbilao na lumobo ang kanilang positive cases nang luwagan ng Inte-Agency Task Force (IATF) ang mga panuntunan noong buwan ng Marso 2021.
Umabot na sa mahigit 1,000 ang confirmed cases ng Quirino, 347 ang active cases habang 51 na ang nasawi.
Bumaba sa moderate risk category ang Quirino mula sa high risk category at umaasa sila sa buwan ng Hunyo ay bababa pa ang kanilang kategorya.





