CAUAYAN CITY – Naipamahagi na ng DA region 2 sa ibat ibang bayan at lunsod sa ikalawang rehiyon ang mga libreng binhi at abono para sa mga magsasaka
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2, sinabi niya na nakapreposition na sa mga bayan at lunsod sa rehiyon ang mga ipapamahaging binhi at abono.
Aniya nasa 49,361 bags na ng binhi ng palay ang naideliver sa mga bayan sa Cagayan mula sa alokasyon nitong 52,830 bags at kasalukuyan na ang pamamahagi.
Dahil mas malaki ang area ng Isabela ay mas mataas ang alokasyon na umaabot sa 56,000 bags at nasa mahigit 49,000 na ang naideliver.
Nasa 95% na ang prepositioned sa lalawigan ng Cagayan at Isabela na Hybrid Area para sa wet cropping season habang ang identified inbred area na Nueva Vizcaya at Quirino ay nasa 60% na ang positioned sa mga ipapamahaging binhi mula sa Philrice na siyang in-charge sa distribusyon nito.
Ayon kay Regional Executive Director Edillo naantala ang kanilang ipapamahaging mga binhi at abono ang mga ipinatupad na localized lockdown sa mga lugar na maraming naitatalang kaso ng Covid 19.
Dahil naipamahagi na sa mga munisipalidad ay ang LGU na ang siyang gagawa ng stratehiya kung paano mapabilis ang pamamahagi sa mga magsasaka lalo na ang mga irrigated ang sinasaka upang makahabol sa maagang pagpapalabas ng tubig ng NIA-MARIIS.
Patuloy din ang pamamahagi ng Kagawaran sa mga farm machineries sa pamamagitan ng mga kooperatiba maging ang Philmec sa ilalim ng rice tarrification law ay tuluy-tuloy din ang alokasyon at distribusyon nito sa rehiyon.
Ayon kay Regional Executive Director Edillo hindi lahat ng mga magsasaka ay mabibigyan ngunit tiniyak niyang ang mga nasa irrigated areas ay nasa pitumput lima hanggang walumpong bahagdan ang mabibigyan ng libreng binhi at abono.
Nakiusap naman ang kagawaran sa mga LGU na bigyan din nila ang mga magsasakang hindi naisama ng DA lalo na sa RSBSA upang matulungan din sila sa kanilang pagtatanim.
Umaasa din DA Region 2 na matulungan din ng mga legislators ang mga magsasaka ng mais kahit binhi man lang ang maibigay sa kanila.