
Pababa na ang naitatalang kaso ng Covid 19 sa Rehiyon Dos ayon sa DOH Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rio Magpantay, Panrehiyong Direktor ng DOH Region 2, sinabi niya na ang apat na lalawigan sa Region 2 pangunahin na ang Isabela, Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino ay nasa moderate risk classification na lamang habang ang Batanes ay minimal risk classification dahil wala nang naitalang kaso sa loob ng mahigit dalawang linggo.
Ayon kay Dr. Magpantay dalawa ang kanilang tinitingnan upang malaman kung anong risk classification na ang isang lugar.
Una ay ang ADAR o average daily attack rate at ang pangalawa ay ang 2 week growth rate.
Sa kasalukuyan negatibo na ang 2 week growth rate ng region 2 habang ang average daily attack rate naman ay nasa 15 pa kaya maituturing na moderate risk pa rin ang rehiyon.
Kahit bumababa na ang kaso ay hindi umano magpapabaya ang kagawaran upang lalo pa itong mapababa sa pagtutulungan na rin ng ahensya ng pamahalaan at ng IATF.
Naging malaki naman ang epekto ng pagkakaroon ng MECQ classification sa rehiyon lalo na sa mga lunsod na maraming naitatalang kaso kung saan ay napababa ito dahil sa mga paghihigpit ng panuntunan.
Umaasa ang DOH Region 2 na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang mahigpit na pagpapatupad sa mga panuntunan upang maabot ng rehiyon ang low risk classification.
Tiniyak naman ng kagawaran na paiigtingin kanilang pa ang vaccination program lalo na sa priority groups kahit limitado pa ang suplay ng bakuna.
Ayon sa kagawaran naayos na rin ang mga testing laboratories na nagkaroon ng problema sa mga nakaraang buwan dahil sa backlogs.










