CAUAYAN CITY – Nagpaliwanag ang pamunuan ng Region 2 Trauma and Medical Center (R2TMC) sa Bayombong, Nueva Vizcaya kaugnay ng nag-viral na post ng isang netizen na naglabas ng saloobin sa social media tungkol sa nangyari sa kanyang pamangkin.
Umani na ng mahigit 26,000 na likes, mahigit 24,000 na shares at mahigit 10,000 na comment sa Facebook post ni Ginang Liberty Sapipi at nakarating na rin ito sa Department of Health (DOH) Central Office kaya gumawa na rin ng report tungkol dito ang pamunuan ng ospital.
Ang binata ay inoperahan at pinutulan ng paa na nagtamo ng malalang sugat sa naganap na aksidente.
Maraming dugo umano ang nawala sa kanya na dahilan ng kanyang panghihina dahil hindi agad nasalinan ng dugo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginang Liberty Sapipi, OFW sa Hong Kong at tubong Maddela, Quirino na ang nais lamang nila ay makausap pa ng mga tagabantay sa ospital ang pamangkin bago maalis ang mga aparato na nakakabit sa katawan nito.
Naging mabigat ang mga pahayag ni Ginang Sapipi dahil ang kanyang alegasyon ay minadali umano na patayin ang kanyang pamangkin bagay na pinapabulaanan ng pamunuan ng R2TMC.
Kinuwestiyon din nila ang masyadong mahigpit na paglalagay ng tape sa katawan ng kanyang pamangkin matapos na bawian ng buhay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Danilo Alejandro, chief ng Medical Professional Staff ng R2TMC, bagamat hindi na nagpa-tape interview, sinabi niya na hindi naging pabaya ang mga staff ng hospital sa naging trato sa binatang namatay matapos na masangkot sa aksidente noong katapusan ng Abril 2021 sa Bonfal, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sinabi niya na nakaranas ng cardiac arrest ang binata bago idineklarang namatay.
Tumigil aniya ang paghinga at zero na ang heart rate at tinututulungan na lamang ito ng nakakabit na ventilator.
Pinabulaanan din ng R2TMC na nakakausap pa ang binata dahil sa mga panahong iyon ay nakatube na ito at ang tanging nagbibigay ng impormasyon ay ang nagbabantay sa loob ng ospital.
Bago inalis ang mga aparato na nakakabit sa katawan ng pasyente ay alam nila na wala nang buhay dahil wala nang tugon ang katawan nito sa mga ginagawa nilang hakbang para siya ay mabuhay.
Nilinaw din ni Dr. Aleandro na hindi inilagay sa COVID ward ang pasyente taliwas sa nakasaad sa Facebook post kundi dinala ito sa SARI ICU o Severe Acute Respiratory Infection habang hinihintay ang resulta ng swab test na lumabas na negatibo sa COVID-19.
Iginiit din ng pamunuan n R2TMC na handang harapin ang pamilya para ipaliwanag ang nangyari sa kaanak nilang namatay.
Wala pa umanong pormal na reklamo ang pamilya na isinumite sa Region 2 Trauma and Medical Center.












