CAUAYAN CITY– Dinakip ng mga kasapi ng Jones Police Station ang dalawang lalaking hinihinalang nagpupuslit ng mga tablon-tablong illegal na pinutol na kahoy sa Jones, Isabela.
Sa nakulang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office, ang mga suspect ay sina George Halig, 49 anyos, binata, tsuper at Roseso Callangan alyas “Along”, 39 anyos, may asawa, furniture shop owner, kapwa residente ng Brgy. Maligaya, Echague, Isabela
Sa pangunguna ng Intel operatives ng Jones Police Station ay inilatag ang isang anti-illegal logging operation sa nasabing lugar na nagresulta sa pagkakadakip ng mga 2 suspect .
Pinara umano ng mga awtoridad ang Isuzu forward Truck na minamaneho ni Halig at nakita ang ikinarga sa truck na ibat ibang klase ng common softwoods na may ibat ibang sukat na tinatayang nasa humigit kumulang 3,000 board feet.
Nang hingan ng mga otoridad ng kaukulang permit at dokumento ang mga kahoy na ibinibiyahe ng mga pinaghihinalaan ay wala umanong maipakita kaya inaresto ang dalawang suspek.
Dinala sa Jones Police Station ang mga pinaghihinalaan kabilang ang kinumpiskang truck na naglalaman ng hinihinalang illegal na pinutol na kahoy at mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o Forestry Code of the Philippines.











