CAUAYAN CITY – Bumuo na ng research team ang Department of Science and Technology (DOST) para sa clinical trial ng Ivermectin bilang gamot sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Jaime Montoya, executive director ng Philippine Council for Health Research and Development ng DOST, sinabi niya na katuwang ang Philippine General Hospital ay isasagawa nila ang clinical trial.
Puntirya ng DOST na isali sa trial ang mga mild to moderate cases, asymptomatic o mga non-severe COVID-19 cases na nasa pangangalaga ng mga quarantine facility sa Metro Manila.
Ang clinical trial para sa Ivermectin ay inaasahang magsisimula sa ika-31 Mayo hanggang unang linggo ng Hunyo subalit kailangan muna itong ma-aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) at Ethics board.
Puntirya ng DOST na matapos ang clinical trial sa loob ng walong buwan o hanggang buwan ng Enero 2022 depende sa bilis ng recruitment ng mga volunteer sa trial.
Tinatapos na ng DOST ang protocol o guidelines para sa trial ng Ivermectin at tanging mga gamot mula sa local supplier na aprubado ng FDA ang gagamitin sa trial.
Batay sa literature review hindi pa sapat ang ebidensiya sa bisa ng IVERMECTIN kontra COVID 19 sa mga mild to moderate cases kaya ito ang kanilang uunahing pagtuunan ng pansin.
Sa datos ng Department of Health (DOH), lumalabas na 80% ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa ay kabilang sa mild to moderate cases.
Batay sa kanilang statistically significant sample sites, nasa 1,200 volunteers ang kailangan para sa trial.
Kalahati sa naturang bilang ay gagamitan ng Ivermectin habang ang nalalabing bilang ay hindi.
Ang mga pasyenteng naka-admit sa ospital na nabigyan ng compassionate use ng Ivermectin ay maaaring maisali sa trial kung sila ay irerefer o dadalhin sa quarantine facility.
Inamin ni Dr. Montoya na hati ang pananaw ng mga grupo ng mga doktor sa bansa may kaugnayan sa bisa ng Ivermectin laban sa COVID 19 kaya titiyakin ng DOST na tama ang pagsasagawa ng clinical trial na naaayon sa good clinical practice para makuha ang benepisyo ng nasabing gamot kontra COVID-19.
Samantala, maliban sa Ivermectin ay patuloy ang pag-aaral at trial na isinasagawa ng DOST sa Virgin Coconut Oil (VCO), Lagundi, Tawa-Tawa at iba pang mga commercial medicine na maaaring magamit sa pagtugon sa COVID-19 na inaasahang matatapos ngayong taon.
Ayon kay Dr. Montoya, sa kasalukuyan ay nakitaan na ng potensiyal ang VCO na maaaring makatulong sa mga pasyenteng may COVID 19.
Napatunayan na napapatay ang virus kung ito ay kakaunti o pasimula pa lamang.
Sa kasalukuyan ang VCO ay aprubado pa lamang ng FDA at may product registration bilang food supplement at hindi bilang gamot kaya isinasagawa ang mga pag-aaral upang matukoy kung ang VCO ay magagamit bilang gamot sa COVID-19.












