CAUAYAN CITY – Nagbabala sa publiko ang Land Transportation Office o LTO region 2 laban sa mga nag-aalok ng online na pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho makaraang mahuli ang apat na tao na sinampahan na ng kaso
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Manny Baricaua, Administrative Officer ng LTO Region 2 na ang pag-aalok ng driver’s license online ay maituturing na modus at scam para makapambiktima sa mga nagnanais magkaroon ng lisensiya.
Ayon kay Ginoong Baricaua, ang apat nilang nahuli at nasampahan nila ng kaso ay mula sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Illegal aniya ito dahil ang LTO lamang ang makapagbibigay ng Driver’s License at student permit.
Ang nasabing sindikato ng mga nagbibigay ng mga pekeng lisensiya ay galing sa Region 4A at National Capital Region.
Nanawagan naman si Ginoong Baricaua sa mga nagnanais kumuha ng lisensiya sa pagmamaneho na maging mapagpasensiya at dumaan sa tamang proseso upang hindi mabiktima ng mga scammer.