--Ads--

CAUAYAN CITY – Naniniwala ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City na sinadya ang nangyaring grassfires kagabi sa barangay Minante 1, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Fire Chief Inspector Aristotle Atal, Fire Marshall ng BFP Cauayan City na kalat-kalat ang apoy kaya posibleng may nagsunog sa lugar para ihanda ang lupa sa pagtatanim.

Pinaalalahanan niya ang mga residente sa lunsod na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusunog ngunit kung hindi talaga maiwasan ay dapat maging responsable.

Maghanda aniya ng tubig para kung sakaling lumaki ang apoy ay maapula agad.

--Ads--

Ayon kay Fire Chief Inspector Atal, tatlong barangay ang nakakasakop sa grassfire kaya ekta-ektaryang lupain ang nasunog.

Bagamat nahirapan ang kanilang mga fire truck na pasukin ang lugar dahil sa makipot na daan ay nagawa pa rin nilang makontrol ang apoy na umabot ng mahigit apat na oras at umabot lamang sa first alarm.

Umabot na sa 19 na grassfire ang naitala sa Cauayan City ngayong taon at ito na ang pinakamalawak na tinugunan ng BFP Cauayan City.

Ang pahayag ni Fire Chief Inspector Aristotle Atal

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng PAGASA-DOST na nakahimpil sa Echague, Isabela, sinabi na wala pang nangyayaring grassfire na dulot ng mainit na panahon.

Aniya, maaaring may nagsunog sa lugar at napabayaan kaya kumalat ang apoy.

Posible ring may nagtapon ng upos ng sigarilyo o di kaya ay may lighter na nahulog at nainitan kaya sumabog.

Ang pahayag ni Ginoong Ramil Tuppil.

Labis namang nagpapasalamat sa mga tumugon na miyembro ng BFP ang may-ari ng resort na muntik na madamay sa naganap na grassfire.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Freddie Buenaventura, may-ari ng Joelita Resort na labis silang kinabahan kagabi dahil sa laki ng sunog.

Nagpapasalamat sila dahil mabilis na naapula ang apoy at hindi na umabot sa kanyang resort.

Kung sakali aniya ay malaki ang magiging pinsala pangunahin na sa kanilang mga cottages.

Ayon sa kanya, nagkaroon na ng sunog sa naturang lugar noong nakaraang taon kaya ito na ang ikalawang beses na nagkaroon ng sunog.

Payo niya sa mga residente sa lugar na laging mag-ingat at kapag malalaki na ang damo ay linisan na agad para hindi masunog lalo na ngayon na sobra ang init ng panahon.

Ang pahayag ni Ginoong Freddie Buenaventura