CAUAYAN CITY – Nananatili pa ring sarado ang turismo sa Batanes sa kabila ng halos dalawang buwan ng pagiging COVID-19 positive free.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PDRRM Officer Roldan Esdicul na umabot na sa 10 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa Batanes mula ng makapagtala ang lalawigan ng kaso ng virus.
Sa ngayon ay gumaling na silang lahat at halos dalawang buwan na ring walang naitatalang kaso ang lalawigan.
Sa kabila nito ay mahigpit pa rin ang pagpapatupad nila ng mga local health protocols tulad na lamang ng pagsusuot ng facemask at pagsunod sa social distancing.
Aniya, kahit nakasailalim na sa Modified General Community Quarantine o MGCQ ang Batanes ay hindi pa rin sila nagpapabaya at lahat ng papasok sa kanilang lalawigan ay sumasailalim sa triage at mandatory 14 day quarantine.
Kapag aniya symptomatic o may nararanasang sintomas ang dumating sa lalawigan ay agad sasailalim sa antigen test at kapag nagpositibo ay agad i-isolate para masigurong wala silang dalang virus.
Libre naman ito maliban na lamang kung request lalo na sa RT-PCR test.
Ayon pa kay PDRRM Officer Esdicul, walang problema sa paglabas sa Batanes pero kapag babalik ay kailangang sumailalim sa mandatory 14 day quarantine.
Kaugnay nito ay sarado pa rin ang turismo ng Batanes sa kahit na sino at ang pinapayagan lamang na makapasok ay ang mga essential.
May maganda naman aniyang dulot ang pagpapasara pa rin sa turismo ng lalawigan dahil unti-unti ng naibabalik sa dati ang kalinisan ng kanilang mga pook-pasyalan.
Samantala, tuluy-tuloy ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga kabilang sa priority list ng Batanes.
Ang first batch ng sinovac vaccine ay halos patapos ng maibakuna sa mga kabilang sa A1 priority list gaya ng mga medical personnels at frontliners.
Ayon kay PDRRM Officer Esdicul, sinovac ang unang dumating na bakuna sa Batanes at sumunod ay astrazeneca.
Tanggap naman aniya ito ng mga mamamayan sa Batanes dahil sa patuloy na information dissemination ng mga kinauukulan tungkol sa kahalagahan ng bakuna.










