CAUAYAN CITY – Pangunahing hiling ng mga Muslim community sa Cauayan City ngayong pagdiriwang ng Edil Fitr ang pagkawala na ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Imam Ramadan na dahil sa mga panuntunan kontra sa COVID-19 ay hindi nila naisagawa ang mga nakaugalian nilang ginagawa tuwing araw ng Edil Fitr.
Inilarawan niya na masaya at malungkot ang pagdiriwang nila ng Edil Fitr ngayong taon dahil karamihan sa kanilang nakasanayan hindi nila magawa.
Panalangin nila ngayon na sana ay mawala na ang COVID-19 para matapos na rin ang pandemyang nararanasan ng buong mundo.
Sinabi naman ni Bajad Jalao na dahil bawal ang pagtitipon ay sa bahay na lamang nagdasal ang karamihan sa kanila.
Ang mga elders at opisyal na lamang ang nagtungo sa kanilang center.
Ayon sa kanya, dati ay may mga nagtutungo sa Lunsod ng Cauayan na mula sa ibang bayan o lunsod pero dahil sa mga restristions ay hindi muna nila ginawa.
Nasa 140 na pamilya aniya ang mayroon ngayon sa Muslim community sa barangay San Fermin, Cauayan City.
Samantala, sa Santiago City, idinaan na lamang sa dasal at simpleng handa ng ilang Muslim Community sa General Malvar, Santiago ang kanilang selebrasyon sa Edil Fitr.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Abduraim Hakib, barangay tanod sa General Malvar, kaiba ngayon ang kanilang selebrasyon dahil mas masaya noon kung kumpara ngayon na may pandemya.
Sa halip na magsaya ay nag-alay na lamang sila ng gawa sa pamamagitan ng paglilinis ng sarili, sa paligid at taimtim na pagdarasal ng halos tatlumpong minuto.
Sinimulan nila ang pagdarasal kaninang alas singko ng umaga at muling isinagawa alas dose ng tanghali, alas tres ng hapon, alas singko ng hapon at alas siete ng ng gabi.
Mahalaga aniya ang pagiging masaya, positibo at pagpapasalamat na nalagpasan nila ang isang buwang pag-aayuno.
Dasal ng kanilang komunidad na tanggapin ang kanilang sakripisyo maging ang kanilang dasal para naman sa seguridad ng kanilang mga kapatid na Muslim.





