CAUAYAN CITY – Nagsumite ang Isabela State University (ISU) ng plano sa Commission on Higher Education (CHED) para sa limited face-to-face classes sa mga health related programs.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, presidente ng ISU System, sinabi niya na dahil sa inilabas na panuntunan ng CHED para sa mga health degree programs ay gumawa sila ng plano at isinumite sa komisyon.
Aniya, plano ng ISU na magkaroon ng limited face-to-face classes sa mga estudyante ng mga health related programs.
Sa ngayon ay hinihintay pa nila ang aksyon ng CHED kung nakasunod sila sa mga requirements.
Ayon kay Dr. Aquino, kung nakasunod ang unibersidad ay papayagan ngunit kung hindi ay ipagpapatuloy pa rin ang ginagawa nila ngayon na wala munang face-to-face classes.
Samantala, naglabas na ng direktiba si Dr. Aquino sa mga campuses na pag-aralan ang flexible learning na ipinatupad nila ngayong semestre.
Ito ay para maibsan ang hirap na nararanasan ng mga estudyante sa distance learning lalo na ang mga nasa malalayong lugar at mahirap ang signal.
Dahil dito ay ginawa na lamang nilang isang beses ang virtual classes habang ang iba ay modular activities na.
Bukod sa mga estudyante ay nahihirapan din ang mga faculty staff.











