CAUAYAN CITY – Positibo ang tugon ng mahigit animnapung bahagdan ng mga guro at non-teaching staff ng SDO Cauayan City sa Covid 19 Vaccination Program ng pamahalaan.
Matatandaang kasali sa A4 Priority list ng mga mababakunahan kontra covid 19 ng DOH ang mga guro.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Gumaru Jr. Ang Schools Division Superintendent ng SDO Cauayan City, sinabi niya na natutuwa siya sa naging tugon ng mga guro at non teaching staff ng SDO Cauayan City dahil sa 1,401 na kabuuang bilang ng mga ito ay nasa 60% o mahigit pitong daan na ang nagpatala at nagnanais na mabakunahan kontra Covid 19 habang ang natitira ay hindi pa nakapagdesisyon.
Aniya nagsimula silang magpatala noong unang bahagi ng buwan ng Abril.
Ayon kay Dr. Gumaru wala naman silang nabalitaan na negatibong tugon ang mga guro tungkol sa pagbabakuna kontra Covid 19.
Nararapat lamang umanong tangkilikin ito ng mga guro dahil para naman sa kanilang kaligtasan kontra sa virus maging ang mga estudyante sakaling magkaroon na ng face to face classes.
Nagpapatuloy naman ang Information Dissemination Drive ng SDO Cauayan mula sa kanilang health department at social media upang mahikayat ang kanilang mga empleyado at stakeholders na magpabakuna na kontra Covid 19.
Sa kasalukuyan ay wala pang teaching personnel ng SDO Cauayan City ang nabakunahan na kontra covid 19 maliban sa mga nurses nilang nasa health department.
Umaasa naman ang SDO Cauayan City na sa susunod nilang pagtatala ay maging isandaang bahagdan na sa kanilang mga guro at non-teaching staff ang nais magpabakuna.