
CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang tricycle driver matapos na masamsaman ng baril sa pagsisilbi ng Search Warrant sa Sitio Kanyugan, San Pedro, San Mariano, Isabela.
Ang inaresto ay si Reynaldo Maneja, 35-anyos, may asawa, tricycle driver at residente rin ng nabanggit na lugar.
Sa pinagsanib na puwersa ng San Mariano Police Station sa pangunguna ni PCapt. Ericson Aniag, hepe ng naturang himpilan, Provincial Intelligence Unit Isabela Police Provincial Office at 1st Isabela Provincial Mobile Force Company ay isinilbi sa bahay ni Maneja ang Search Warrant na inilabas ni Hukom Jeffrey Cabasal, Presiding Judge ng MTCC, 2nd Judicial Region, City of Ilagan, Isabela para sa paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Nakuha ang isang improvised Shotgun at isang bala ng 12 gauge Shotgun.
Dinala na sa himpilan ng pulisya ang pinaghihinalaan at ang narekober na ebidensiya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.










