CAUAYAN CITY – Muling nagbabala ang pamunuan ng Highway Patrol Group (HPG) Isabela sa modus na ‘Pasalo Benta Bawi’ ng mga sasakyan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Rey Sales, Provincial officer ng HPG Isabela, ipinaliwanag niya na ang unang scheme ay ang pagrerenta ng sasakyan kapalit ng buwanang hulugan subalit ang katotohanan ay ibinebenta na ito sa iba.
Ang pasalo scheme naman ay nagaganap kung ang isang sasakyan na inutang sa bangko na hindi pa nabayaran ay ipapasalo o iaalok sa ibang tao.
Ayon kay Maj Sales, ang naturang scheme o modus ay hindi pinahihintulutan ng mga lending institution at labag sa batas.
Sakaling hindi mabayaran ng sumalo ng sasakyan, ang sisingilin pa rin ng bangko ay ang orihinal na registered owner.
Madalas ding nangangako ang mga nagbebenta o mga sangkot sa rent/hire scheme na ibibigay ang OR/CR at iba pang mga dokumento ng ibinebentang sasakyan sa mabibiktimang buyer.
Kaya paalala ang HPG Isabela sa mga nagbebenta ng sasakyan o mga nagpapasalo na huwag magbenta ng sasakyan sa mga hindi kakilala dahil kung hindi ito mababayaran ay sila pa rin ang sisingilin at hahabulin ng bangko.
Sa kabila naman ng mga naglipanang modus, inamin ng HPG Isabela na nahihirapan sila na matukoy o makasuhan ang mga nasasangkot sa Pasalo Benta Bawi Scheme dahil hindi ito sakop ng Republic Act 10882 o New Anti Carnapping Law of 2016 subalit maaari itong maihanay bilang technical carnapping.
Dahil sa paglipana ng iba’t ibang modus o scheme ay sinisikap ng PNP-HPG na maisulong ang pag-amiyenda sa Anti Carnapping Law upang matugunan ang mga insidente ng Pasalo Benta Bawi Scheme.
Paliwanag niya na bagamat inamiyendahan ang RA 10816 ay mas pinagtuunan ang pagpapabigat ng parusa o penalty na itinaas sa 300,000 pesos ang bail bond mula sa dating 80,000 pesos.











