
CAUAYAN CITY – Hindi pa tiyak ng Cauayan City Veterinary Office kung kailan maibibigay ang ayuda sa mga apektado ng culling sa lunsod.
Magugunitang nasa apat na libong baboy ang isinailalim sa culling sa lunsod matapos na tamaan ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Veterinary Officer Dr. Ronald Dalauidao, hanggang ngayon ay wala pang abiso ang Department of Agriculture (DA) Region 2 kung kailan ang pagbibigay ng ayuda.
Aniya, araw-araw na nakikipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa Kagawaran ng Pagsasaka sa rehiyon para maibigay na ang mga tulong sa mga apektadong hog raisers lalo na ngayong may pandemya.
Ayon sa kanya, halos P20 million ang halaga ng mga isinailalim sa culling na baboy sa lunsod.
Umaasa naman ang mga apektadong hog raisers na maibibigay na ang nararapat na tulong para sa kanila sa lalong madaling panahon.










