
CAUAYAN CITY – Aalamin ng DA Region 2 kung paano nabigyan ng binhi ang dalawang barangay kagawad ng Nagrumbuan, Cauayan City sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) na programa ng Department of Agriculture.
Matatandaang inireklamo ng ilang magsasaka ng palay ang mga hindi magsasakang nakatanggap ng binhi sa lunsod ng Cauayan na hindi naman itinanggi ni Brgy. Kapitan Nena Velasco.
Aniya, may dalawang barangay kagawad at isang tanod na nakakuha ng binhi kahit sila ay walang sinasaka at maging siya ay nakakuha rin ng dalawang bag.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Marvin Luis, Assistant Chief ng Field Operations Division at Rice Program Focal Person ng DA Region 2 na aalamin nila sa City Agriculture Office ng Cauayan kung paano nabigyan ang mga hindi dapat na makatanggap ng binhi.
Aniya, kung mapapatunayang nagkaroon ng pagkukulang ay babawiin ang binhing naibigay at tatanggalin na ang kanyang pangalan sa masterlist ng mga dapat na makakuha ng binhi.
Ayon kay Dr. Luis, kahit sino ay puwedeng makatanggap ng naturang tulong kahit pa opisyal ng barangay basta isang magsasaka at nakarehistro sa RSBSA.
Bukod naman sa lunsod ng Cauayan ay mayroon din silang mga natatanggap na ganitong reklamo sa iba pang lugar.










