
CAUAYAN CITY – Balik na sa pamamasada ang ilang unit ng pampasaherong jeepney sa lunsod ng Ilagan matapos na pahintulutan ni Mayor Jose Marie Diaz kasunod ng ilang buwang pagkakatengga dahil sa pandemya.
Matatandaang sa mga nakalipas na buwan ay nakakuha ang ilang jeepney driver ng special permit to operate sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 2 sa tulong ng pamahalaang lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Allan Ezperanza, presidente ng Jeepney Operator and Driver Association (JODA) sa lunsod ng Ilagan, nasa sampong jeepney ngayon ang namamasada sa Poblacion ng lunsod.
Aniya, ikinatuwa ng mga mananakay ang pagbabalik na nila sa pamamasada dahil sa mahal na pamasahe sa mga namamasadang tricycle.
Sinabi ni Ginoong Ezperanza na mahigpit na sinusunod ng mga kapwa nila tsuper ang mga minimum health protocols tulad ng 50% capacity, paglalagay ng mga barriers upang masunod ang social distancing at nagsusuot din sila ng gloves sa kanilang biyahe.
Hindi aniya nila papayagan ang mga commuters na sumakay kung hindi kumpleto ang kanilang proteksyon laban sa COVID-19.
Kaugnay nito ay dinagdagan nila ang pamasahe ng hindi hihigit sa P10 upang makabawi ang mga namamasadang jeepney drivers.










