
CAUAYAN CITY – Ibinalik na ng mga opisyal at kawani ng barangay Nagrumbuan, Cauayan City na hindi magsasaka ang kanilang natanggap na binhi mula sa Department of Agriculture (DA).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Nena Velasco, inihayag nito na kabilang sa mga nagbalik ng kanilang natanggap na binhi ang dalawang barangay kagawad at apat na barangay Tanod na walang sinasaka.
Sa ngayon ay naipasakamay na ang mga naturang binhi sa City Agriculture Office ng Cauayan at naipamahagi na rin sa mga magsasaka na hindi pa nakakuha ng binhi.
Kaugnay sa ilang opisyal ng barangay na nakatanggap ng tatlong bags ng hybrid rice seeds ay ipinamahagi rin umano nila ang kanilang nakuha sa kanilang nasasakupan.
Nilinaw naman ni Punong Barangay Velasco na hindi siya nakialam sa pamamahagi ng mga binhi sa mga magsasaka sa kanilang barangay.
Una nang inamin ni Punong Barangay Velasco na may mga opisyal at kawani ng barangay na nakatanggap ng binhi kahit na hindi sila magsasaka.
Nag-ugat ang naturang usapin matapos na idulog sa Bombo Radyo Cauayan ng isang rice farmer mula sa naturang barangay ang umano’y pagtanggap ng binhi ng mga opisyal at kawani ng barangay na hindi naman magsasaka.










