
CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang magsasaka sa Sitio Dimatatnu, Ayod, Dinapigue, Isabela dahil sa iligal na pangingisda.
Ang pinaghihinalaan ay si Jhun Laguisma, 47-anyos, may asawa, magsasaka at residente ng Bucal Sur, Dinapigue, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Joe Vincent Acoba, Deputy Chief of Police ng Dinapigue Police Station, nagsasagawa ng intelligence monitoring ang kanilang tropa sa nasabing lugar nang makitang nangunguryente ng isda gamit ang electro-fishing equipment na walang kaukulang dokumento ang pinaghihinalaan dahilan para siya ay arestuhin.

Batay sa kanilang imbestigasyon, hindi ito ang unang beses na nasangkot sa iligal na pangingisda ang suspek.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 6451 (electrofishing) si Laguisma.
Ayon kay PLt. Acoba, isa nakikita nilang dahilan kaya nagagawa ng ilang mamamayan ang iligal na pangingisda ay dahil sa pandemya.
Dahil dito, patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa kanilang nasasakupan upang ipaalam na mahigpit na ipinagbabawal ang electrofishing.










