
CAUAYAN CITY – Arestado ang isang magsasaka matapos na masamsaman ng mga iligal na pinutol na kahoy sa Burgos, Naguilian, Isabela.
Ang pinaghihinalaan ay si Orlando Solito, 44-anyos, may asawa, magsasaka at residente rin ng nabanggit na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Federico Tulay, Deputy Chief of Police ng Naguilian Police Station, sa ikinasang anti-illegal logging operation ng kanilang operatiba kasama ang intelligence operatives ng Provincial Intelligence Unit, Isabela Police Provincial Office ay naaktuhan ang pinaghihinalaan na nagbibiyahe ng gmelina lumber gamit ang kuliglig.
Nakumpiska ang labing anim na piraso ng sawn lumbers na nasa higit isang daang board feet.
Aniya, walang kaukulang dokumento ang mga naturang kahoy kaya dinakip si Solito.
Paliwanag naman ng suspek ay gagamitin lamang sa kanyang bahay ang mga naturang gmelina lumber.
Ayon kay PLt. Tulay, puspusan ang monitoring ng Naguilian Police Station sa usapin ng Illegal Logging Activity sa kanilang nasasakupan.
Binalaan niya ang mga mamamayan na nagbabalak na mamutol ng puno na papatawan sila ng karampatang parusa kapag sila ay napatunayang nasangkot sa naturang gawain.










