
CAUAYAN CITY – Mahaharap sa kasong indiscriminate firing at gunrunning ang isang LGU employee sa Quezon, Isabela matapos na walang habas na nagpaputok ng baril sa barangay Samonte.
Ang pinaghihinalaan ay si Diosdado Gascon, 52-anyos, kawani ng lokal na pamahalaan ng Quezon, Isabela at residente ng naturang barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Roberto Valiente, hepe ng Quezon Police Station, sinabi niya na katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office sa pangunguna ni PCol. Eugene Mallillin ay nagsagawa sila ng joint operation na nagresulta ng pagkakadakip ng pinaghihinalaan.
Nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang unit ng caliber 45 na baril na walang dokumento at nakatakda sanang ibenta sa halagang P35,000 hanggang P40,000.

Una rito ay nakatanggap sila ng ulat may kaugnayan sa pagpapaputok ng baril ng suspek maliban pa sa pagkakasangkot nito sa pagbebenta ng mga hindi dokumentadong baril.
Batay sa kanilang pagsisiyasat, bago ibenta ang baril ay nagsasasawa ang pinaghihinalaan ng test firing sa mismong farm o bukid nito.
Sa kasalukuyan ay sinisiyasat na rin nila kung saan kumukuha ng mga armas si Gascon.
Ayon kay PMaj. Valiente malaking bagay ang pagkakaaresto ng pinaghihinalaan dahil napipiglan ang paglaganap ng mga iligal na baril sa komunidad at ang paggamit ng iligal na baril partikular sa mga riding in tandem criminal.
Kaugnay nito ay nasa 185 gun owners na ang nagpaso ang lisensya sa kanilang nasasakupan.
Ang naturang mga gun owner ay subject sa oplan katok at nagbabahay-bahay sila para himukin ang mga ito na magrenew ng lisensya.










