--Ads--

CAUAYAN CITY – Naniniwala si Governor Manuel Mamba ng Cagayan na lalo pang mapapababa ang kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan kasunod ng pagpapalawig ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa probinsya.

Matatandaang kahapon ay pinalawig ang MECQ sa Cagayan hanggang sa katapusan ng Mayo kabilang na ang Benguet at Apayao.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Governor Manuel Mamba na malaking tulong ang pagsailalim sa Cagayan sa MECQ dahil unti-unti ng bumababa ang mga naitatalang kaso.

Umaasa siya na maging tuluy-tuloy na ito para maibaba na rin ang quarantine status sa kanyang probinsya.

--Ads--

Ayon sa kanya, kailangang mapababa ang kaso ng COVID-19 sa Cagayan dahil nalalapit nanaman ang mga disaster months.

Kailangan aniya nila itong paghandaan dahil alam naman ng lahat na taun-taon ay nababaha ang lalawigan.

Sa ngayon ay lalo pang paiigtingin ang pagpapatupad sa mga panuntunan gaya na lamang ng social gatherings, pagbabawal sa dine-in services sa mga kainan, 10% capacity sa mga religious gatherings, tanging Authorized Persons Outside Residence (APOR) lang ang makakalabas at iba pa.

Muli rin niyang ipinaalaala ang mahigpit na pagbabawal sa home quarantine dahil ito aniya ang isa sa naging dahilan para lumobo ang kaso ng COVID-19 sa Cagayan.

Aniya, sa panahong ito ay kailangan ng pagtutulungan para sa kabutihan ng lahat.

Tinig ni Governor Manuel Mamba.