CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang pagtanggap ng mga concerns ng mga mamamayan ang One Isabela Covid 19 Command Center.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Information Officer Atty. Elizabeth Binag, sinabi niya na noong nakaraang linggo ay nakapagtala sila ng isandaan at tatlong tumawag para humiling ng referrals kung saan maaring dalhin ang mga pasyenteng may Covid 19.
Aniya nasa animnaput anim ang kabuuang bilang ng matagumpay na nairefer ng Command Center sa mga available na ospital sa Lalawigan at may dalawamput siyam na kinansela na ang kanilang hinihinging referral habang may walo na kasalukuyan pang pinoproseso ang kanilang mga dokumento.
Ayon kay Atty. Binag nasa apatnaput walo ang kabuuang bilang ng mga suspect patients na nairefer sa ospital, isang probale at apatnaput walong confirmed patients habang may anim namang magkakaiba ang kaso.
Karamihan sa mga tumatawag na nagpaparefer ay mas gustong mairefer sa mga government hospitals at umabot sa walumput walo ang tuluyang nairefer ng Command Center sa nasabing mga ospital habang labing lima naman ang nairefer sa pribadong ospital.
Pinakamaraming pinanggalingan ng mga referrals ay sa Lunsod ng Ilagan na umabot sa dalawamput walo, sumunod ang Cabatuan na mayroong labing lima.
Maliban sa referrals ay maaari ring idulog ng mga mamamayan ang mga makikita nilang paglabag sa panuntunan tulad ng mga taong nakakauwi sa lalawigan na hindi dumaan sa tamang protocol.
Malaking tulong din aniya ang Action Center ng Lalawigan sa Quezon City na nakikipagcoordinate para sa pag uwi ng mga taga Isabela mula sa Metro Manila.
Muli namang pinaalalahanan ni Atty. Binag ang mga mamamayang umuuwi sa lalawigan na sundin ang tamang proseso ng pag uwi upang hindi na kumalat pa ang virus sa lugar.