
CAUAYAN CITY – Umaasa ang DOST Region 2 na mapapasama sila sa clinical trials na isasagawa sa Ivermectin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Sancho Mabborang, Regional Director ng DOST Region 2, nakipag-ugnayan na sila sa Philippine Council for Health Research and Development ng DOST kasama ang LGU officials ng Isabela gayundin ang Isabela State University (ISU) para ipahayag ang kagustuhang maging bahagi ng isasagawang clinical trials sa Ivermectin.
Sa ngayon ay wala pa itong approval dahil sa dami ng requirements na kailangan.
Gayunman noong nakaraang linggo ay nagpulong na sila at ipinakita ang mga aspeto na kayang maitulong ng ikalawang rehiyon sa naturang pag-aaral.
Ayon sa kanya, ang buong pag-aaral ay nangangailangan ng mahigit isang libong participants gayunman sa Region 2 ay nasa dalawang daan lamang ang kanilang hiniling.
Ang naging proposal nila rito ay multisites dahil wala namang malaking quarantine facilities ang lambak ng Cagayan.
Ayon kay Engr. Mabborang, pangungunahan ng UP-PGH ang pag-aaral na ito at tutulong lamang sila.
Maliban kasi sa pagbibigay ng ivermectin ay may mga monitoring at laboratory test din na isasagawa bago at pagkatapos ng pag-aaral.
Sa ngayon ay wala pa silang nakakausap na pasyente para rito pero sa tingin nila ay hindi naman sila mahihirapan kumpara sa Metro Manila.
Ang magiging hamon lamang ngayon ay kung paano ipapaliwanag ang naturang pag-aaral at kung ano ang maidudulot nito sa mga pasyente.
Sinabi ni Engr. Mabborang na kailangang ikunsidera sa pagsasagawa ng pag-aaral ang health condition ng mga pasyente.
Dadaan naman aniya ito sa ethics review board at kailangan nilang tiyakin na masusunod ang highest health standards para hindi makaranas ng adverse effect ang mga participants.










