
CAUAYAN CITY – Balik operasyon na ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) molecular laboratory matapos ang limang araw na periodic maintenance.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na agad siYang nagsagawa ng inspection sa pasilidad at kabilang sa mga sinuri ay ang apat na RT-PCR Machines.
Layuni nitong matiyak ang dekalidad na serbisyo ng Molecular Laboratory.
Aniya, habang sila ay nag-iinspeksyon ay nakita nila ang pagdagsa ng specimen mula sa iba’t bang LGU’s, private at goverment hospital.
Nilinaw naman ni Dr. Baggao na bagamat hindi nag-operate ang Molecular laboratory sa loob ng limang araw ay hindi nangangahulugan na nagkaroon na ng delay dahil agad silang nagsagawa ng re-routing sa mga specimen.
Ayon kay Dr. Baggao, ang mga sakop nilang probinsya at bayan ay dinala sa Regional Office sa Lunsod ng Tuguegarao habang ang iba ay dinala sa Molecular Laboratory sa Lunsod ng Ilagan at Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Lunsod ng Santiago.
Kagabi ay nasa animnaraang specimen na ang kanilang natanggap at nilinaw niya na sa kasalukuyan ay wala silang back log.
Kasabay ng pagbabalik operasyon ay inilunsad din ng CVMC ang rapid antigen testing na matatagpuan sa tabi ng emergency room ng pagamutan at may booth swab na rin.
Layunin nitong masuri ang lahat ng mga pumapasok na pasyente upang maiwasan ang hawaan ng virus sa loob ng pagamutan.










