CAUAYAN CITY – Nagsasagawa na ng payout ang Social Welfare and Development o SWAD Isabela sa ibat ibang lugar sa Lalawigan
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay SWAD Team Leader Valentina Monterrubio, sinabi niya na sila na mismo ang lumalapit sa mga munisipyo para makapagbigay ng financial assistance ang mga mamamayang nangangailangan.
Pinagsasama na lamang ng SWAD sa payout ang mga magkakalapit na bayan upang mas mabilis ang proseso ng pamamahagi ng ayuda.
Ang mga LGUs na ang hinahayaang mag assess sa mga karapat dapat na mabigyan ng cash assistance mula sa SWAD dahil sila ang nakakakilala sa mga tao sa kanilang nasasakupan.
Aniya bago ang pagtungo ng SWAD Teams sa mga bayan para sa payout ay kailangang na assess na ang mga papeles ng benepisaryo upang diretso na ang pamamahagi.
Pangunahing assistance na ibinibigay ng SWAD ang AICS o Aid to Individual in Crisis Situation.
Sa susunod na linggo ay nakaschedule ang payout sa lunsod ng Ilagan, Santo Tomas, at San Isidro ngunit hinihintay pa ng team ang guidelines bago sila magtungo sa nasabing mga lugar.
Humingi naman ng pasensya ang SWAD sa mabagal na proseso ng assessment sa mga dokumento ng mga benepisaryo dahil kailangang mabusisi ang assessment upang maiwasan ang aberya.











