May pakiusap ngayon ang City Health Office o CHO sa mga residente ng lunsod ukol sa umanoy pakikipag-unahan ng ilang katao sa mga kabilang sa Priority List sa Covid19 Vaccination Rollout ng DOH.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, ang City Health Officer nakiusap siya sa publiko tungkol sa pagsisimula ng pagbabakuna sa mga kabilang sa A3 Category.
Inaasahan na nilang may mga tunay na may comorbidity ang magtutungo sa kanilang vaccination site.
Aniya ilang indibidwal nakita nila na nagpabakuna sa kanila na wala naman palang tunay na sakit kaya nakatanggap ang mga ito ng First Dose.
Pakiusap nito na magsabi sana ng totoo ang mga taong nagpapabakuna.
First come first serve na ang ilalatag na panuntunan dahil sa limitadong bilang ng vaccine na may kabuuang 150 doses lamang kahapon.
Kailangan ng mga kaukulang dokumento para sa mga may controlled comorbidity kabilang ang medical certificate, reseta ng gamot na bigay ng doctor sa loob ng anim na buwan, Hospital Records o discharge summary at medical abstract at pwede rin ang Surgical Records o pathology reports.
May apat na Vaccination Site na inihanda ang City Health Office para sa rollout kahit limitado ang bilang ng bakuna na naibaba kaya iisang lugar na lamang sa ngayon ang kanilang magagamit na matatagpuan sa Santiago Cultural Institute.
100% aniya ang naturukan sa first dose ng Covid19 sa mga Health Workers sa Lungsod.
Mababa naman ang bilang ng mga nagpabakunang Senior Citizen bagamat patuloy pa rin aniya ang pagtanggap ng CHO sa mga Lolo’t lola na nais nang magpabakuna.