CAUAYAN CITY – Patapos na sa distribusyon ng mga libreng binhing palay ang PhilRice Isabela sa bahagi ng Quirino at Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Andres Dela Cruz Jr. ang RCEF Coordinator ng PhilRice Isabela, sinabi niya na noong nakaraang buwan nila sinimulan ang pagdeliver sa mga libreng binhi ng palay sa mga LGUs kung saan sila naman ang mamamahagi sa mga magsasaka sa kanilang nasasakupan.
Nasa 188,785 bags ng libreng binhi ang kabuuang bilang ng ipapamahagi sa Region 2 na hinati sa dalawang lalawigan ng Quirino at Nueva Vizcaya.
Nasa mahigit isandaang libong magsasaka naman ang target ng Phil Rice Isabela na mabibigyan ng mga nasabing libreng binhi ng palay dahil bawat bag ay sakto sa kalahating ektarya.
Walang pinipiling magsasaka na mabibigyan ng nasabing binhi dahil basta rehistrado sila sa RSBSA ay kwalipikado silang makakuha
Tiniyak naman ng PhilRice Isabela na ang mga ipinapamahaging libreng binhi ay akma sa parehong dry at wet season.
Nasa 98% na ang naideliver ng PhilRice Isabela sa mga LGUs sa Nueva Vizcaya habang 105% naman sa Quirino kaya malapit nang matapos ang distribusyon.
Ayon kay RCEF Coordinator Dela Cruz hindi muna maiiimplement ang RCEF Seed Program ngayong Season sa Lalawigan ng Isabela at Cagayan dahil ang National Rice Program sa ilalim ng DA Region 2 ang mamahala rito.
Aniya ito ay upang hindi magkahalo-halo ang mga programa ng pamahalaan at madaling massess ang effectivity o pakinabang nito sa mga magsasaka.