--Ads--

CAUAYAN CITY Mahaharap sa kaso ang isang barangay kagawad ng Lanna, Tumauini, Isabela matapos na masamsaman ng armas, pampasabog at iba’t ibang uri ng bala.

Ang pinaghihinalaan ay si Barangay Kagawad Isabelo Maggay, 55-anyos, retiradong sundalo at residente ng naturang lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay kay Lt.Col. Julius Jacinto, Provincial Director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Isabela, sinabi niya na sa pinagsanib na puwersa ng Tumauini Police Station, Provincial Intelligence unit, CIDG Isabela at militar ay isinilbi ang search warrant na ipinalabas ni Hukom Randy Bulwayan Acting Presiding Judge ng RTC Branch 23, 2nd Judicial Region, Roxas, Isabela para sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possesion of firearm and Explosives) laban kay barangay Kagawad Maggay.

Nasamsam sa pag-iingat ni Maggay ang isang unit ng caliber 45 na baril na paso na ang lisensya, isang hand held grenade, isang rifle grenade, 3 bala ng M203, 2 long magazine ng M16 rifle, 2 short magazine ng M16 rifle, 3 magazine ng Caliber 45 na baril, isang bala ng caliber 50, 87 bala ng M16 rifle, 4 na bala ng M14 rifle, 27 bala ng Caliber 45 na baril, 9 na piraso ng caliber 9mm na baril, isang basyo ng M14 rifle, isang steel ammo box, isang plastic ammo box at isang sling bag.

--Ads--

Una rito ay nakatanggap sila ng reklamo mula sa mismong kapitbahay ni Maggay may kaugnayan sa pag-iingat nito ng armas at pampasabog at ang pagpapaputok umano nito ng baril.

Inamin naman ni barangay kagawad Maggay ang pag-iingat niya ng baril na paso na ang lisensya subalit iginiit na ang pampasabog  ay ipinatago lamang ng kanyang yumaong balae.

Ayon pa kay Maggay ang mga narekober na bala ay gamit pa niya noong siya ay nasa serbisyo pa lamang bilang sundalo.

Nasa pangangalaga ng CIDG Isabela si Maggay kasama ang mga nasamsam na  armas, pampasabog at mga bala habang isasailalim sa  ballistic examination ang nasamsam na baril mula sa kanya.

Tinig ni Lt.Col. Julius Jacinto.