
CAUAYAN CITY – Mayroon nang mahigit animnapung libong benepisaryo ng COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP 2 ang nabigyan ng one time cash assistance ng DOLE Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad, ang Information Officer ng DOLE Region 2, sinabi niya na ang animnapung libong beneficiaries ng CAMP 2 ay nabigyan ng tig limang libong one time cash assistance.
Aniya hindi na rin sila tatanggap pa ng application sa kanilang portal dahil nakamit na ng ahensya ang target na bilang sa implementasyon ng CAMP.
Maari pa rin naman nilang iproseso ang mga aplikasyon na nakaabot sa deadline ng submission kaya maaari pang tumaas ang bilang ng mga benepisaryo.
Sa kasalukuyan ay kanilang pinoproseso ang CAMP na para naman sa tourism sector.
Ayon kay Ginoong Trinidad, una na silang nakapagbigay ng assistance sa mahigit isang libong benepisaryo ng nasabing sektor dito sa Isabela.
Aniya sa kabuuan, nasa 1,889 na benepisaryo na ang nabigyan ng DOLE Region 2 ng cash assistance sa nasabing sektor at may mga kasalukuyan pang pinoproseso ang dokumento.
Umabot na sa walumpung libo ang kabuuang bilang ng benepisaryo na nabigyan ng DOLE Region 2 ng cash assistance sa CAMP 1 at CAMP 2 maging sa tourism sector.










